Umakyat na sa lima ang bilang ng nasawi dahil sa heatstroke bunsod ng tumitinding init ng panahon.
Sa lalawigan ng Isabela, dalawa na ang binawian ng buhay na kinilalang sina Bannawag Lucas, 62-taong gulang ng bayan ng Reina Mercedes at Edwin Galupan, 53-taon ng Cauayan City.
Patay din dahil sa matinding init ng panahon sina Abelardo Cruz, 60-anyos, residente ng Makati at Nilo Canoy, 39-anyos, residente ng Maynila na kapwa natagpuang nakahandusay sa magkahiwalay na lugar sa Pasay City.
Samantala, isang Amerikano rin na kinilalang si Steven Mayers, 57-taon ang binawian ng buhay habang nagbabakasyon sa beach resort sa Santo Domingo, Albay.
Heat Index
Umabot sa 41 degrees celsius ang heat index o init na naramdaman sa Metro Manila, kahapon.
Ito, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), ay makaraang maitala ang 35 degrees celsius na temperatura dakong alas-1:50 ng hapon.
Itinuturing na mapanganib ang 41 degrees celsius heat index lalo’t ito ang karaniwang sanhi ng heat cramps at heat stroke.
Ibinabala naman ng PAGASA na titindi pa ang maalinsangang panahon lalo’t hindi pa tapos ang tag-init.
Cebu Heat Index
Pumalo na rin sa 41 degrees celsius ang heat index o init na naramdaman sa Cebu, kahapon.
Dakong alas-2:30 ng hapon nang makapagtala ang pagasa ng 35.3 degrees celsius na aktuwal na temperatura.
Kumpara ito sa naitalang 34.5 degrees celsius nitong una at ikalawang linggo ng Mayo.
Muling pinayuhan ng PAGASA ang publiko na iwasan ang paglabas ng bahay sa tanghali o hapon at magdala ng mga pananggalang laban sa matinding init.
By Drew Nacino