54 na nasawi habang 19 na nawawala ang opisyal na bilang ng mga casualty sa nangyaring landslide sa Barangay Ucab, Itogon, Benguet sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Ompong.
Ito ang ginawang paglilinaw ni Ompong point person at Presidential Political Adviser Secretary Francis Tolentino sa naitalang bilang ng casualty sa landslide sa banaggit na lugar.
Mas mababa ang nasabing bilang sa datos ng mga opisyal sa ground zero na 60 patay.
Paliwanag ni Tolentino, binilang kasi ng mga ito ang mga nakuhang putol na bahagi ng katawan ng tao tulad ng braso at binti gayung dapat munang dumaan ang mga ito sa dna testing para sa pagkakakilanlan at maisama sa tala ng casualty.
Idineklara na rin kahapon ni Tolentino na pawang search and retrieval operations na lamang ang ginagawa ng mga rescuers dahil wala na silang nakikitang senyales na may buhay pang biktima sa naturang landslide.
Narating na rin ng rescue team ang bukana ng main tunnel ng minahan sa ground zero ng landslide.
Samantala, batay sa tala ng Office of Civil Defense – Cordillera Administrative Region (OCD-CAR) nasa 103 na ang bilang ng nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Ompong sa rehiyon.
78 sa nabanggit na bilang ay sa mula sa Itogon, Benguet, tatlo sa La Trinidad, tig isa sa Tuba at Kabayan at 13 sa Baguio City habang nasa 33 naman ang bilang ng nawawala.