Umakyat na sa 13 ang nasawi sa pagbaha bunsod ng malakas na pag-ulang dala ng shear line sa ilang bahagi ng bansa.
Pinaka-marami o pito ang naitala sa Northern Mindanao partikular sa Misamis Occidental, apat sa Eastern Visayas habang dalawa sa Bicol region.
Ayon sa Office of the Civil Defense (OCD), tatlo ang sugatan habang 17 indibidwal ang nawawala.
Tinaya naman ng OCD sa 27,000 pamilya o mahigit 100,000 katao na ang apektado ng kalamidad.
Kabilang sa mga apektado ang MIMAROPA, Bicol Region, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Samantala, ilang bayan sa Surigao Del Sur ang nakararanas pa rin ng pagbaha dahil sa malakas na pag-ulan.