(2nd update)
18 ang patay habang nasa 82 ang sugatan sa magkasunod na pagsabog sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu.
Kinumpirma ni PNP Chief, Dir. Gen. Oscar Albayalde na karamihan sa nasawi ay sibilyan na dumadalo sa misa nang maganap ang unang pagsabog sa loob ng simbahan, pasado 8:00 kaninang umaga.
Makalipas ang halos kalahating oras ay umalingawngaw ang ikalawang pagsabog sa parking lot naman ng katedral.
Nagtalsikan, nagkalasog-lasog at nagkalat ang ilang bahagi ng katawan sa loob at labas ng katedral dahil sa lakas ng pagsabog na narinig sa karatig bayan ng Indanan.
Bagaman terorismo ang nasa likod ng pambobomba, hindi pa mabatid ng militar at pulisya kung anong grupo ang nagsagawa ng pag-atake.
Naganap ang pambobomba ilang araw matapos ratipikahan ang Bangsamoro Organic Law at matagumpay na plebesito para sa pagtatatag ng rehiyong kapalit ng Autonomous Region in Muslim Mindanao.
(with report from Jaymark Dagala)