Nadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi sa nangyaring pagsabog ng improvised explosive device (IED) sa bayan ng Isulan, Sultan Kudarat.
Binawian na kasi ng buhay si Wel Mark John Lapidez matapos ma-comatose dahil sa tama ng shrapnel sa kanyang utak.
Pangatlo na si Lapidez sa mga nasawi sa malagim na trahedya, habang 36 ang nasugatan.
Ngayong araw ay personal na binisitahin ni Pangulong Duterte ang mga biktima kasama si PNP Chief Oscar Albayalde.
Una ng sinabi ng militar na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF ang posibleng responsable sa pambobomba, bagay na itinanggi ng spokesman ng grupo.
Nag-alok na rin ng P1 milyong reward ang local na pamahalaan ng Sultan Kudarat para sa sinumang makapagturo sa mga may pakana ng naturang terror attack.
Samantala, posibleng ilabas ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang artist’s sketch ng hinihinalang bomber sa pagpapasabog sa Isulan, Sultan Kudarat.
Ayon kay Brigadier General Cirilito Sobejana, commander ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, may mga nakakita sa bomber na makakatulong sa ikadarakip nito.
Pinasusuri na rin ang mga CCTV sa lugar at sinusubukan naman ng law enforcement agencies na ibalik ang normal na pamumuhay sa Isulan,
Pero aminado si Sobejana na maraming residente ang balot pa rin ng takot kaya nagdagdag na sila ng sundalo sa lugar.
Ang pokus aniya ng AFP ay papanagutin ang may sala at mahadlangan kung mayroon pang nagbabalak na maghasik ng lagim.
Napag-aralan na rin nila ang komposisyon ng bomba subalit tumanggi muna siyang idetalye ito.
Ikukumpara kasi nila ang istilo ng Isulan blast sa iba pang insidente ng pagpapasabog sa Mindanao.
—-