Sumampa na sa 22 ang nasawi sa pananalasa ng bagyong Usman.
Batay ito sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kung saan 16 ang mula sa Bicol Region at anim sa silangang Visayas.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Edgar Posadas, karamihan sa mga nasawi ay dulot ng landslides.
Kabilang dito ang mag-asawa at kanilang tatlong taong gulang na anak na nasawi matapos matabunan ng mga gumuhong lupa ang kanilang bahay sa Legazpi City, Albay.
Gayundin ang isang lalaking nasawi dahil landslide sa Sorsogon City habang limang iba pa ang napaulat na nawawala.
Dagdag ni Posadas, may mga naitala ring nawawala sa bahagi ng Eastern Visayas.
Patuloy naman aniya ang kanilang ginagawang kumpirmasyon kung ang lahat ng mga nasawi ay dulot ng bagyong Usman.