Dobleng kalbaryo ang dinaranas ng ilang COVID-19 patient sa Mandaue City Hospital sa gitna ng patuloy na paglobo ng kaso ng nakahahawang sakit sa Cebu.
Sa labas na lamang ng ospital naghihintay ang ilan sa mga pasyente dahil okupado na ang lahat ng COVID-19 ward ng nabanggit na pagamutan.
Sa video ni Mandaue City Hospital Chief Nurse Maimai Maunes na ipinost ng kanyang asawa sa Facebook, isang pasyente ang sinubukang i-revive ng mga medical frontliner pero kalauna’y namatay.
Ayon kay Maunes, hindi na nila ma-accommodate ang mga dumarating na pasyente kaya’t sa labas na lamang muna nila ginagamot ang mga ito.
Napapagod na rin anya ang mga frontliner habang isa sa kanila ang hinimatay dahil sa over-fatigue dulot ng walang tigil na pagdating ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.
Batay sa datos ng Department Of Health (DOH), ang Central Visayas kabilang ang Mandaue City, sa Cebu Province ang ika-apat sa rehiyong may pinaka-mataas na kaso sa bansa. —sa panulat ni Drew Nacino