Tinadtad ng saksak kahit patay na.
Ito ay batay sa isinagawang awtopsiya ng PAO o Public Attorney’s Office sa bangkay ng 14-anyos na si Reynaldo de Guzman na huling nakasama ng 19-anyos na si Carl Angelo Arnaiz na napatay ng Caloocan Police.
Ayon kay PAO Forensic Laboratory Director Erwin Erfe, namatay na si De Guzman sa unang dalawa hanggang tatlong unday ng saksak dito habang ang ibang sugat ay tinamo ng biktima kahit patay na ito.
Iisang tao lang din aniya ang posibleng pumatay kay De Guzman dahil sa isang direksyon lamang ang nakitang mga saksak sa kaliwang bahagi ng katawan ng biktima.
Dagdag ni Efre, nakitaan din ng palatandaan na binubog pa si De Guzman bago pinatay dahil maga ang mata, ilong at bibig nito.
Sinabi rin ni Efre na sa kanilang pagtaya ay nasa 12 hanggang 24-oras pa lamang nang mamatay si De Guzman bago ito natagpuang lumulutang sa creek sa Gapan City Nueva Ecija.
Samantala, inaasahang aabutin pa ng dalawa hanggang tatlong linggo bago tuluyang makapagpalabas ng autopsy report ang NBI o National Bureau of Investigation.
Kasunod nito, aminado ang NBI at CHR o Commission on Human Rights na hirap na silang matukoy ang bilang ng tinamong saksak ni alyas Kulot dahil na-embalsamo na ang katawan nito.
Pero batay sa autopsy naman ng CHR, lumalabas na butas sa puso at baga ang siyang naging sanhi ng kamatayan ni Kulot.
SMW: RPE
Photo Credit: PNP Gapan Nueva Ecija