Napakaliit na bilang lamang ng mga subscriber ang nagpalit ng network sa ilalim ng tinatawag na MNP o Mobile Number Portability.
Ito’y taliwas sa inaasahan na maraming nag-aakala na malaking bilang ng mga subscriber ng Philippine Long Distance Telephone Co.-Smart communications at Globe Telecom ang lilipat sa Dito Telecommunity Corp., ang third telco player sa bansa, sa gitna ng kaliwa’t kanang promo na iniaalok ng kompanya na mas mura at mas mabilis na internet.
Ngunit ang Telecommunications Connectivity Inc. (TCI), ang joint venture company ng telcos na naatasang mangasiwa sa MNP kung saan ang isang subscriber mula sa isang telco ay maaaring lumipat sa iba na dala ang parehong mobile number, ay nakapagtala lamang ng 800 take ups.
Ang nasabing bilang ay lubhang mababa kumpara sa pagtaya ni TCI head Melanie Manuel noong nakarang Hulyo na may 1 million subscribers ang inaasahang magpapalit ng network nang ilunsad niya ang MNP na isinabatas at sinimulang ipatupad noong Setyembre 30, 2021.
Target sana ng third telco player na maakit ang globe at smart subscribers at makuha ang kahit 30% ng total market share sa mga unang taon ng operasyon nito. Katumbas ito ng 20-25 million customers.
Nabatid na walang limit sa pagpapalit ng subscriber sa pagitan ng mga telco — Philippine Long Distance Telephone Co.-Smart communications, Globe telecom at Dito telecommunity.