Mahigit doble na ang mga kaso ng dengue sa Pilipinas ngayong taon.
Ayon sa DOH, pumalo na sa 118,526 ang dengue cases sa bansa mula Enero hanggang Agosto 6, kumpara sa 46,761 sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Tumaas din sa 399 ang bilang ng nasawi sa dengue ngayong taon kumpara sa 167 noong 2021.
Ang Central Luzon ang nanguna sa may pinakamaraming dengue cases, sinundan ng Central Visayas at National Capital Region.
Sa pinakamaraming bilang naman ng nasawi sa dengue ay nanguna ang Central Visayas, sinundan ng Western Visayas at Central Luzon.
Una nang inihayag ng DOH na siyam sa labing-pitong rehiyon sa bansa ang nalagpasan na ang dengue epidemic threshold.
Kinabibilangan ito ng Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Cordillera Administrative Region at Metro Manila.