Bumaba pa sa 4.2% ang national unemployment rate o bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa bansa noong Nobyembre nang nakaraang taon.
Ito na ang pinakamababa na naitala sa bansa magmula noong Abril taong 2005.
Batay sa Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba sa 2.18 milyon ang mga Pilipinong walang trabaho noong Nobyembre, mas mababa kumpara sa 2.24 na milyon noong Oktubre.
Sinabi naman ni National Statistician Dennis Mapa na ang taunang unemployment average mula Enero hanggang Nobyembre na 5.5% ay malapit na sa pre-pandemic level na 5.1% noong 2019.
Maliban sa unemployment rate, tumaas din ang bilang ng mga mayroong trabaho sa bansa noong Nobyembre, na nasa 95.8% o katumbas ng 49.71 milyon.
Ang mga industriya na may pinakamalaking pagtaas sa trabaho sa buwanang batayan ay ang wholesale and retail trade, pagbebenta ng motor, paggawa ng produkto, accommodation at food services, agrikultura at public administration and defense.