Umabot na sa 3.76 milyon ang naitalang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho nitong buwan ng Hunyo.
Ayon sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority o PSA, ang tala ng mga ‘unemployed Filipinos’ noong buwan ng Hunyo ay bahagyang tumaas kung ikukumpara sa naitala noong Mayo na nasa 3.73 milyon lamang.
Habang nananatili namang nasa 7.7% ang unemployment rate na itinuturing na ‘second lowest rate’ magmula Abril noong nakaraang taong 2020.
Mababatid na ang pagbagsak ng employment ay nakita sa mga sektor ng accommodation at food service activities; Public Administration and Defense; transportation, financial at insurance activities at iba pa.
Samantala, posible pang magpatuloy ang pagtaas ng mga numerong naitatala sa hanay ng mga walang trabahong Pilipino lalo na sa muling pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine o ECQ sa Metro Manila.