May sapat na bilang na si Marinduque Representative Lord Alan Velasco para manalong House Speaker.
Ayon ito kay Buhay Party-list Representative Lito Atienza matapos ibunyag ang 154 na kongresistang pabor kay Velasco para maging lider ng kamara.
Sa naturang bilang, 54 ay mula sa Party-List Coalition Foundation Incorporated na umano’y dismayado sa liderato ni House Speaker Alan Peter Cayetano matapos ligwaking Deputy Speaker ang pangulo nitong si One Pacman Representative Mikee Romero.
Sinabi ni Atienza na nakakatiyak siyang susuportahan ng political party ng pangulo na PDP Laban na mayroong 65 miyembro si Velasco gayundin ang National People’s Coalition na may 35 miyembrong kongresista.
Iginiit ni Atienza na dahil sa patuloy na pagsuway ni Cayetano sa term sharing agreement, inilalagay lamang nito ang kaniyang sarili sa alanganing sitwasyon matapos gawin ang malisyosong loyalty check sa na naging daan sa pagsibak kay Romero.
Malinaw aniyang ang naturang hakbangin ni Cayetano ay pagsalungat sa Pangulong Rodrigo Duterte na namagitan at nag ayos sa kasunduan nila ni Velasco.
Binigyang diin ni Atienza na kapat ipinilit ni Cayetano ang gusto nito, posibleng malagay ito sa minorya sa huli dahil bukod sa Nacionalista Party kung saan ito miyembro, tanging matibay na suporta na lamang nito ang 43 member na National Unity Party na pinamumunuan ni Cavite Congressman Elpidio Barzaga.