Nais ng Department of Labor and Employment o DOLE na baguhin ang bilateral labor agreement ng Pilipinas at ng Kingdom of Saudi Arabia o KSA at itulad ito sa kasunduan ng bansa sa Kuwait.
Ito kasunod ng pag-uwi sa Pilipinas ng mahigit 100 OFW na nabigyan ng exit visa ng Saudi Arabia.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, ang naturang hakbang ay para mas matiyak ang kaligtasan ng mga Overseas Filipino Workers of OFW sa Saudi Arabia.
Ani Bello, ang ilan sa mga naturang OFW na umuwi ng bansa ay pansamantalang kinupkop muna sa Bahay-Kalinga sa Riyadh matapos silang umalis o tumakas sa kani-kanilang amo dahil sa mga naranasang pagmamalupit.
Dahil dito, pinoproseso na umano ngayon ang gagawing pagbabago sa kasalukuyang bilateral labor agreement ng Pilipinas at KSA.