Inaasahang muling pagtitibayin ng gaganapin na bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Japanese Prime Minister Fumio Kishida ang malalim na ugnayan ng Pilipinas at Japan para sa mas pinaigting na strategic partnership.
Nakatakdang bumisita ang Japanese Prime Minister sa Pilipinas para sa kanyang two-day official visit.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, magkikita ang dalawang lider sa Malacañang upang pag-usapan ang pulitika, seguridad, ekonomiya, at ugnayan ng mamamayan ng Pilipinas at Japan.
Kaugnay nito, sinabi ni chief cabinet Secretary Hirokazu Matsuno na nasa final stages na ang negosasyon sa pagitan ng dalawang bansa tungkol sa equipment at iba pang tulong na iaalok ng Japan sa Pilipinas.
Pinagde-desisyunan na rin kung kailan pipirmahan ang kasunduan sa ilalim ng opisyal na security assistance program na may layong tumulong sa pagpapalakas ng kakayahan ng partner countries ng Japan.