Deretsahan o naging prangka ang usapan sa bilateral meeting nina Pangulong Rodrigo Duterte at U.S. President Donald Trump.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque na kasama sa naturang pulong, tiniyak ng dalawang leader ang matibay at mas pinaigting na relasyon ng kani-kanilang bansa.
Sinabi aniya ni Trump na patuloy na magiging kaibigan ng Duterte administration ang kasalukuyang U.S. Government at hindi mahahalintulad sa nagdaang administrasyon ng Estados Unidos.
Samantala, inihayag din ni Roque na mismong si Pangulong Duterte na ang nagbukas ng diskusyon kay President Trump hinggil sa kalagayan ng bansa kaugnay sa iligal na droga.
Ipaliwanag anya ng punong ehekutibo sa Presidente ng Amerika na naging sentro noon ng malawak na operasyon ng iligal na droga ang Pilipinas kung kaya’t kinailangan niyang palakasin at bigyan ng ngipin ang anti-drug campaign.