Isinailalim na sa state of calamity ang lalawigan ng Biliran gayundin ang bayan ng Carigara sa Leyte dahil sa bagyong Urduja.
Ayon kay Biliran Governor Gerardo Espina, matinding danyos ang iniwan ng bagyong Urduja sa kanilang lalawigan na binaha at nakaranas ng mga pagguho ng lupa.
Inamin ni Espina na halos hindi na sila makakilos para makapagsagawa ng operasyon dahil maraming lugar sa kanilang lalawigan ang isolated kasunod ng mga bumigay na tulay at mga nasirang kalsada.
Nagkakaroon na aniya ng panic buying sa kanilang lugar na wala na ring supply ng kuryente at tubig.
Nasa state of calamity na rin ang bayan ng Carigara sa Leyte matapos malubog sa tubig baha dahil sa bagyong Urduja.
Ilang pamilya rin ang pinalikas na sa barangay Tagak matapos tumaas ang tubig sa katabing ilog ng barangay.
Una nang isinailalim sa state of calamity ang Northern Samar, Eastern Samar, Tacloban at Ormoc City.
—-