Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukalang batas na nagtatanggal ng value added tax o VAT sa systems loss sa kuryente.
Nagkaka-isang bumoto ang mga kongresista pabor sa House Bill 1616 na pangunahing iniakda ni Congressman Carlos Isagani Zarate.
Ayon kay Zarate, nasa walong porsyento ng kabuuang electricity bill ang systems loss charge na hindi naman napapakinabangan pero ipinapasa ng mga power distribution companies sa publiko at pinapatawan pa ng 12 percent vat.
Iginiit ni Zarate, hindi makatwiran at iligal ang paglalagay ng karagdagang buwis sa goods o serbisyong hindi naman napakinabangan ng consumers.
Kasabay nito nanawagan si Zarate sa Senado na madaliin ang pagpasa sa counterpart bill nito para mabawasan ang bigat ng bayarin ng mga Pilipino sa kuryente.
Samantala, may hiwalay namang panukala sa Kamara kaugnay ng tuluyang pagbabawal sa pagpapasa sa consumers ng electricity systems loss charge.
—-