Nilagdaan na ang multi-bilyong pisong halaga ng kontrata sa pagitan ng Department of National Defense at BrahMos Aerospace Defense Company.
Ito ay para magkaroon ng kakayahan ang Pilipinas na ipagtanggol ang teritoryo at soberanya nito laban sa ibang bansa.
Matatandaan na ilang mga isla maging ang iba pang mga features ang inagaw ng ibang mga bansa sa teritoryo ng Pilipinas dahil hindi sapat ang kakayahan ng nito para magtanggol laban sa ibang mga mananakop.
Base sa annual global firepower ranking kung saan, sinusukat nito ang kakayahan ng mga militar ng bawat bansa, pang 51 ang Pilipinas sa 140 bansa sa mundo kung saan, nakapagtala ang bansa ng 0.81 power index batay sa air, land at naval forces ng ibat ibang sandatahang lakas.
Sa ilalim ng administrasyong Duterte, naglaan ng 300 bilyong piso para sa AFP modernization base na rin sa itinakda ng batas kung saan, kabilang sa pondong inilaan ay ang missiles frigates na BRP Jose Rizal at BRP Antonio Luna.
Bukod pa dito, plano ding bumili ng pamahalaan ng submarine, helicopter at ng Sikorsky Black Hawk Helicopter.
Sa ngayon, isa sa pinakamalaking dagdag bilang sandata na makatutulong sa mga militar ay ang pagdating ng BrahMos supersonic cruise missile mula sa India na pinakamabilis na missile sa buong mundo na binili ng pamahalaan sa halagang halos 375 million dollars o 18.9 billion piso.
Ayon kay defense secretary Delfin Lorenzana, sa tulong nito, mas lalakas ang firepower ng Philippine Navy partikular na ang Philippine Marines at ang kakayahan ng bansa na mag-counter-attack sa kahit na anong bansa sa loob ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas maging ang anomang pagsalakay sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea.—sa panulat ni Angelica Doctolero