May dalawang (2) bilyonaryo na ang senado ng Pilipinas.
Kung dati rati’y si Senador Cynthia Villar lamang ang bilyonaryo sa senado, ngayon ay sinamahan na siya ni Senador Manny Pacquiao.
Batay sa isinumiteng SALN o Statement of Assets Liabilities and Net Worth ng mga senador para sa taxable year 2016, nasa 3.6 billion ang kabuuang yaman ni Villar samantalang mahigit tatlong (3) bilyon ang kay Pacquiao.
Si Senador Antonio Trillanes naman ang pinakamahirap base sa idineklara nyang 6.5 million net worth at sumusunod sa kanya si Senador Francis Escudero na may kabuuang yaman na 6.6 million pesos halos kapantay ng kay Senador Leila De Lima.
Pangatlo sa pinakamayamang senador si Ralph Recto na may kabuuang yaman na mahigit sa 522 million pesos; Sonny Angara, mahigit sa 123 million pesos; Juan Miguel Zubiri, mahigit 121 million pesos; Sherwin Gatchalian, mahigit 92 million pesos; Grace Poe, mahigit sa 88 million pesos; Franklin Drilon, mahigit 80 million pesos; Jayvee Ejercito, mahigit 79 million pesos; Richard Gordon, mahigit 66 million pesos; Tito Sotto, mahigit 63 million pesos; Nancy Binay, mahigit sa 60 million pesos.
Mas mababa naman sa 50 million pesos ang net worth nina Senador Loren Legarda na may mahigit 49 million pesos; Panfilo Lacson, 38 million pesos; Bam Aquino, mahigit sa 33 million pesos; Allan Peter Cayetano, mahigit sa 24 million pesos; Joel Villanueva, mahigit sa 21 million pesos; Senate President Koko Pimentel, mahigit sa 17 million pesos; Risa Hontiveros, mahigit sa 16 million pesos at Kiko Pangilinan, mahigit sa 21 million pesos.
By Len Aguirre | With Report from Cely Bueno