Ipinagtanggol ng Malakaniyang ang 10 bilyong pisong pondo na inilaan ng pamahalaan para magamit sa hosting ng Pilipinas sa APEC Summit.
Ayon kay Ambassador Marciano Paynor, Director General ng APEC National Organizing Council, halos isang taon ginugol ang pondo para sa mga aktibidad kabilang na ang senior official’s meeting na ginawa sa iba’t ibang panig ng bansa gayundin ang nakatakdang leaders meeting sa susunod na linggo.
Binigyang diin ni Ambassador Paynor na ang host country ang siyang gumagastos para sa pagkain, hotel accomodation at transportasyon ng mga head’s of state kasama na rito ang pagtitiyak sa kanilang seguridad.
Gayunman, nilinaw ni Paynor na hindi kasama sa gastos ang mga kasamang delegado na aabot sa 7,000 maging ang foreign media na nagco-cover sa nasabing aktibidad.
Dahil dito, naki-usap si Paynor sa mga kritiko na huwag bigyan ng kulay ang paggastos sa nasabing pondo sabay pagtitiyak na walang masasayang na sentimo sa kabuuan APEC Summit.
By Jaymark Dagala | Aileen Taliping (Patrol 23)