Ganap nang naging bagyo ang Low Pressure Area o LPA sa bahagi ng silangan ng Catarman, Northern Samar.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, ang bagyong Salome ay lumakas pa habang papalapit sa Ticao Island.
Huling namataan ang bagyong Salome sa layong 50 kilometro timog timog kanluran ng Juban, Sorsogon.
Taglay nito ang lakas ng hanging papalo sa 55 kilometro kada oras malapit sa gitna at pabugsong aabot sa 90 kilometro kada oras.
Kumikilos ito sa direksyong pa-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras at inaasahang tatawirin ang Sibuyan Sea mamayang hapon o gabi.
Kasalukuyang nakataas ang signal number 1 sa Metro Manila, Rizal, Bataan, Camarines Sur at Norte, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Masbate kabilang ang Ticao at Burias Islands, Romblon, Marinduque, Quezon, Laguna, Cavite, Batangas, Oriental at Occidental Mindoro.
Sa Visayas, nakataas din ang signal number one sa northern at eastern Samar , Samar at Leyte kabilang ang Biliran.
Inalerto naman ng PAGASA ang mga lugar na nasa ilalim ng signal number 1 maging ang eastern section ng Central Luzon na mag-ingat sa mga posibleng landslide at flashflood dulot ng bagyong Salome.
Inaasahang Sabado pa ng umaga lalabas ng Philippine Area of Responsibility o PAR ang bagyong Salome.
Quezon province
Binabayo na ng matinding pag-ulan ang lalawigan ng Quezon.
Kasunod na rin ito nang pananalasa ng bagyong Salome na naglagay sa 21 lugar sa Southern Luzon at Eastern Visayas sa public storm signal number 1 ngayong araw na ito.
Pinakilos na ang mga team mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO para kaagad tumugon sa mga posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.
Mahigpit ding minomonitor ang mga coastal town sa Quezon para sa posibleng storm surge.
Sa bayan ng Mauban, naglagay na ng CCTV cameras sa port area para i-monitor ang galaw ng karagatan.
Dahil dito, ipinagbawal na ng Coast guard officials ang paglalayag ng mga bangka at barko partikular sa mga daungan sa bayan ng Atimonan at Dinahican.
Samantala, naitala ang pagguho ng lupa sa isang bahagi ng national highway sa Sagniay, Camarines Sur kung saan umapaw din ang Kilomaon Anoig Spillway dahil sa malakas na buhos ng ulan.
—Judith Larino