Nabuo na bilang isang ganap na bagyo ang binabantayang low pressure area (LPA) ng Pagasa sa hilagang silangan ng Cagayan at pinangalanan na itong bagyong Dindo.
Batay sa pinakahuling datos mula sa Pagasa, namataan ang sentro ng bagyo sa layong 825 kilometro silangan ng Tuguegarao City.
Kumikilos ang Tropical Depression Dindo sa direksyong kanluran, hilagang kanluran sa bilis na 10 kilometro bawat oras.
Gayunman, sinabi ng Pagasa na walang direktang epekto ang bagyong Dindo at wala rin namang nakataas na babala sa alinmang bahagi ng bansa.
Subalit palalakasin ng bagyong Dindo ang hanging habagat na siyang maghahatid naman ng mga pag-ulan sa Luzon, kanlurang Visayas gayundin sa Zamboanga Peninsula.