Naging madugo ang masaya sanang birthday party ng isang binata matapos kuyugin ng hindi bababa sa labing-limang (15) kabataan at hinataw pa ng bato sa mukha sa Magdaong, Brgy. Poblacion sa Muntinlupa City, pasado 11:00 ng gabi ng Huwebes, Enero 26.
Nakilala ang biktima na si Alfred Real, 18 taong gulang, at nakatira sa nabanggit na lugar.
Ayon kay PO1 Billy Jean Gaerlan ng PCP 6, nagtamo ang biktima ng sugat sa mukha at patuloy itong ginagamot sa Ospital ng Muntinlupa o OsMun.
Nabatid na katatapos lamang ng birthday party ni Real nang bigla na lang itong kuyugin ng mga salarin na nakasama pa nila sa inuman at hinataw ng bato sa mukha.
Sinabi pa ni Gaerlan, maging ang sasakyan ng mga otoridad ay pinagbabato pa ng mga salarin nang rumesponde sila sa insidente, kasama ang mga taga-barangay.
Naaresto naman ang dalawang (2) suspek na pawang menor de edad habang tinutugis ang iba pang may partisipasyon sa krimen, kabilang ang isang alyas ‘Entong’ na sinasabing 18 taong gulang.
Dati na umanong nasangkot sa katulad na gulo si ‘Entong’ ngunit nakalusot ito dahil menor de edad pa noong maganap ang insidente.
Samantala, nagpapatuloy ang follow-up operation sa naturang krimen.
#TINGNAN 2 sa ‘di bababa sa 15 kabataang suspek sa pambubugbog sa isang binata, na pawang mga menor de edad, naaresto ng mga otoridad; Iba pang may partisipasyon sa insidente, tinutugis na ng mga pulis. | via @gilbertperdez pic.twitter.com/yJqJvJKxzc
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) January 25, 2018