Madalas na naglalaan ng ilang buwan o taon ang ibang tao para makaipon at makabili ng mga bagay na kanilang gusto. Pero ang isang indian teenager, nagkaroon ng bagong iPhone matapos mag-hunger strike sa loob ng tatlong araw!
Kung ano ang kwento sa likod nito, alamin.
Sa isang video na in-upload ng Indian journalist na si Abhishek sa application na X na mayroon nang 3.2M views, makikita ang isang binata na mayroong hawak na makapal na pera sa kanyang kamay habang iniinterview ng isang lalaki.
Sa interview, tinanong ang binata kung para saan ang hawak nitong pera at sinabing ito ay pambili ng iPhone. Pati ang babaeng nasa likuran nito na kanya palang nanay ay ininterview din at doon nalaman na ang pangkabuhayan pala nito ay pagbebenta ng bulaklak sa labas ng isang temple.
Sinabi naman ng nanay na binigyan niya ng pera ang kanyang anak na pambili ng bagong cellphone dahil tatlong araw itong hindi kumain. Aniya pa, masaya siya ngunit gusto niyang paghirapan ng anak ang perang ginastos para rito at ibalik sa kanya.
Umani ng mahigit dalawang libong replies ang video sa X na kung saan karamihan ay kinaawaan ang sitwasyon ng nanay dahil napansin ng ilan ang ‘heartbreaking’ na facial expression nito.
Ang iba naman ay pinuna ang ginawa ng binata na pagpupumilit na bilhan siya ng bagong cellphone at sinabi pa ng iba na kung gusto niya talaga ng bagong gadget ay dapat daw pinagtrabahuhan at pinag-ipunan niya ito.
Sa dulo ng video ay makikitang inunbox ng binata ang kanyang brand new cellphone at nakatanggap pa ng regalo mula sa shop owner.
Ikaw, hanggang saan ang kaya mong gawin para sa pinapangarap na gadget?