Bilang recipient ng Gawad Sibol, isang prestihiyosong karangalan sa National Teacher’s College (NTC), nagbigay ng talumpati si Eds Karol Gatbonton sa harap ng kanyang mga magulang, kamag-aral, at guro sa ginanap na graduation ceremony sa World Trade Center.
Hindi niya pinalagpas ang pagkakataong ito upang pasalamatan ang mga taong naging bahagi ng kanyang buhay estudyante—kabilang na ang kanyang babaeng hinahangaan.
Ayon sa isang panayam, matagal nang gustong ipagtapat ni Eds ang kanyang nararamdaman para kay Kaye, kasamahan niya sa Teatro Tanglaw ng kanilang paaralan.
Plano niya sanang sabihin ito sa kanilang farewell party na idinaos bago ang kanilang graduation, ngunit hindi pumunta rito ang dalaga.
Dahil dito, napaamin si Eds sa mismong graduation speech niya!
Kwento ng binata, matagal na niyang hinahangaan si Kaye. Nang maospital dahil sa potassium deficiency, isa ang babae sa mga nag-chat sa kanya ng “get well soon”. Mula noon, lagi na niyang naiisip si Kaye bilang kanyang motivation at potassium—o sa periodic table, K.
Sa ngayon, nananatili pa ring magkaibigan sina Eds at Kaye.
Wala namang pagsisisi si Eds sa ginawang public confession. Masaya na umano siyang masabi ang tunay na nilalaman ng kanyang puso.