Isa pang binatilyo ang natagpuang patay sa Baguio City anim na araw matapos itong mawala.
Kinilala ang biktima na si Vaughn Carl Dicang, 17-anyos, Grade 12 student ng University of Baguio City Science High School.
Ayon kay Baguio City Police Chief, Senior Supt. Ramil Saculles, naaagnas na ang bangkay ni Vaughn nang marekober sa Balacbac creek, Barangay Balacbac Sur, kahapon.
Isinasailalim na sa awtopsiya ang bangkay ng binatilyo upang mabatid ang sanhi ng kamatayan nito habang inaalam na kung biktima ito ng holdup nawawala ang cellphone nito nang matagpuan.
Samantala, naniniwala naman si Barangay Middle Quirino Chairman Van Dicang at kapatid ni Vaughn na walang kaugnayan sa droga ang pagkamatay ng kanyang kapatid dahil hindi naman ito marunong mag-drugs.
Si Vaugn ang ikatlong binatilyong nawala at natagpuang patay sa loob lamang ng tatlong linggo.
Autopsy report
Walang nakitang bakas na sinaksak o binaril ang Grade 12 student na natagpuang patay sa isang sapa sa Baguio City, ilang araw matapos ito mapaulat na nawawala.
Ito ay batay sa isinagawang awtopsiya sa bangkay ng biktimang si Vaughn Carl Dicang.
Lumabas din sa awtopsiya na posibleng tumama ang ulo ni Dicang sa isang bato matapos na mahulog mula sa tulay malapit sa lugar kung saan natagpuan ang bangkay nito.
Samantala, hindi pa rin nakikita ang nawawalang cellphone at tablet ng biktima.
By Drew Nacino / Krista de Dios
SMW: RPE