Patay ang isang binatilyo habang sugatan ang angkas nito nang sumemplang ang sinasakyang motorsiklo makaraang takasan ang isang COMELEC checkpoint sa Quezon City.
Ayon sa QCPD, walang helmet si John Ace Barnachea, 15 anyos at angkas nitong si John Mark Portillo, 19 anyos, kapwa residente ng Barangay Tatalon nang parahin sa checkpoint.
Naganap ang insidente sa kanto ng Banawe at Calamba streets sa Barangay Lourdes.
Habang nagsasagawa ng ‘Oplan Sita’ sa lugar, tinangka ng mga pulis na parahin ang asul na Kawasaki hd3 na walang plaka na minamaneho ni Barnachea pero sa halip na huminto ay humarurot ang dalawa.
Bumunot pa umano ng baril si Portillo pero hindi na nakapagputok matapos mabitawan habang umabot ang habulan hanggang sa C-3 Road, Barangay 125, Caloocan City kung saan sumemplang ang dalawa makaraang mabundol ang bangketa.
Narekober naman mula sa mga suspek ang isang caliber 38 revolver at bala maging ang motorsiklo. —sa panulat ni Mara Valle