Ikinabahala ng ilang mga mababatas ang malaking bawas sa panukalang pondo ng Department of Education o DepEd para sa 2019.
Ito ay matapos bumaba sa 528.8 billion pesos ang panukalang pondo ng DepEd para sa 2019 kumpara sa 580.6 billion pesos na budget ngayong 2018.
Katumbas ito ng 8.9 percent o 51.8 billion pesos na bawas.
Ayon kay ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio, apektado sa pagbaba ng pondo ng DepEd ang alokasyon para sa mga textbooks at iba pang instrumental materials, paggawa ng bagong pasilidad tulad ng mga silid-aralan at ang pagkuha ng mga bagong guro.
Iginiit pa ni Tinio, lalo aniyang mahihirapan ang mga guro na ngayon pa lamang ay nag-aabono na rin para sa mga instructional materials.
Samantala, ipinaliwanag ni DepEd Secretary Leonor Briones na mas malaking pondo ang kanilang unang hiniling para sa 2019 pero dahil sa bagong sistema na cash-based system mas maliit ang inaprubahang pondo ng Department of Budget and Managaement o DBM.
Paliwanag ni Briones, sa cash based budget system, sasakupin na lamang ang pondo para sa bahagi ng academic year mula Hunyo hanggang Disyembre na hindi tulad sa obligation based na tumatawid hanggang Abril ng susunod na taon.
—-