Lantarang hinamon ni dating OWWA Deputy Administrator Mocha Uson si senatorial candidate Jejomar Binay na magsagawa ng live interview upang ipakita sa publiko na malusog ito at hindi nakakaranas ng dementia o memory loss.
Ang hamon ay ginawa ni Uson kasabay ng pagmamaliit nito sa ipinalabas na pre-recorded video ng kampo ni Binay para kontrahin ang inihain nitong manifestation sa Commission on Elections(Comelec) na humihiling na suriin ang mental capability ni Binay.
Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nagsasalita si Binay ukol sa isyu at tanging ang kanyang tagapagsalita lamang na si Joey Salgado.
Sinabi ni Uson na madaling gawin ang isang Facebook live kung totoong hindi pa nakakaranas ng memory gap si Binay sa edad na 79 anyos.
“Hindi na sya nakikita, wala syang dinaluhan na mga campaign rallies sa loob ng 2 buwang campaign period tapos ang magsasalita pa sa kanya ay ang kanyang spokesperson, hindi po ba dapat na si Ex VP Binay ang magsalita dito at patotohanan nya na sya ay healthy, yun lang naman ang gusto natin na maayos ang kanyang kalusugan”paliwanag ni Uson sa isang panayam sa kanya sa Cebu City.
Nanindigan si Uson na reliable ang mga nagbigay sa kanya ng impormayon ukol sa tunay na kalagayan ni Binay, aniya, nagpasaklolo na ito sa Comelec dahil hindi pa huli ang lahat para maliwanagan ang mga botante.
“sana ay magpakatotoo na lang sila, huwag nilang onsehin ang taumbayan sa pamamagitan ng pagtatago sa tunay na estado ni Ex VP Binay”dagdag pa nito.
Ani Uson bilang mambabatas ay kailangang sharp pa rin ang isipan lalo at maraming debate sa Senado at kung hindi ito magagampanan ni Binay sakaling maelect bilang senador sa darating na eleksyon ay isa itong grave injustice sa taumbayan.
Ang dementia ay isang physical change na nangyayari sa utak ng isang tao, isa itong progressive disease na maaaring sa una ay mild lamang na hindi mapapansin , unang sintomas nito ay pagiging makakalimutin at pagkalito na tumatagal ng 2 taon at pagkaraan ay maaring lumala.