Hinimok ni Sen. Nancy Binay ang Department of Health (DOH) na ipamahagi na sa mga vaccination centers ang lahat ng mga nakaimbak pang bakuna kontra COVID-19.
Ito’y para tugunan aniya ang tumataas na demand sa bakuna dahil sa A4 priority group.
Ayon kay Binay, mayroon ng ilang mga inoculation centers sa Metro Manila ang nagsara dahil wala ng suplay ng COVID-19 vaccine ngunit sa katotohanan umano ay marami pang bakunang nakaimbak sa storage facilities ng DOH.
Giit ng senadora, nasasayang ang panahon at may mga buhay ang posibleng makompromiso kung marami pang bakuna ang hindi nailalabas sa warehouse.
Dagdag ni Binay, dapat lahat ng 1st dose vaccines ay na-i-release na at kung meron mang naiwan pa sa mga storage facilities, ito ay iyong mga 2nd dose na lamang.
Kasabay naman ng pagbabakuna sa A4 category, dapat ay napaghandaan din ng doh ang pagtugon sa iba pang gamit sa pagbabakuna gaya ng syringes.
Batay sa datos, aabot sa 13 milyong manggagawa ang kabilang sa A4 category.