Pinakamaagang bumoto sa hanay ng mga tumatakbo bilang pangulo si Vice President Jejomar Binay sa San Antonio High School Makati City.
Alas-6:00 pa lamang ng umaga ay dumating na sa kanyang presinto si Binay, halos kasabayan lamang niya ang kanyang running mate na si Senador Gregorio Honasan na bumoto naman sa Our Lady of Parochial School sa Marikina City.
Bago naman mag alas-7:00 ay nakaboto na rin si Senador Miriam Santiago sa La Vista Subdivision Club House sa Quezon City samantalang pasado alas-7:00 naman ng umaga nakaboto ang running mate nyang si Senador Bongbong Marcos sa Mariano Marcos Memorial School sa Batac Ilocos Norte.
Samantala, pasado alas -8:00 ng umaga bumoto sa Roxas City, Capiz si dating DILG Secretary Mar Roxas Capiz samantalang bahagyang naantala ang pagboto ng kanyang running mate na si Congresswoman Leni Robredo sa Camarines Sur makaraang hindi agad gumana ang vote counting machine na nakatalaga sa kanyang presinto.
Bago naman nagtungo sa kanyang presinto sa Sta. Lucia Elementary School sa San Juan si Senador Grace Poe ay dumalaw muna ito sa puntod ng kanyang ama sa North Cemetery.
Samantala, bago naman mag alas-7:00 ay nakaboto na sa Sorsogon ang running mate ni Poe na si Senador Francis Escudero kasama ang asawang si Heart Evangelista.
Pinakahuling bumoto sa hanay ng presidentiables si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa Davao City samantalang pasado alas -7:00 naman nang bumoto sa Taguig ang kanyang running mate na si Senador Alan Peter Cayetano.
Pinakahuli namang bumoto sa hanay ng mga tumatakbong Vice President si Senador Antonio Trillanes sa Caloocan City.
By Len Aguirre