Pinaglalatag ni Senador Nancy Binay ang Department of Health (DOH) ng protocol kung paano iingatan ng husto ng local government units ang mga bakuna.
Makakabuti, ayon kay Binay, na gumawa ng checklist at briefer hinggil sa tamang paghawak ng bakuna mula sa pagbabiyahe hanggang sa maiturok ito.
Sinabi pa ni Binay na hindi na kailangang magkaroon pa ng ‘Pridyider Czar’ para lamang matiyak na ligtas ang pagbabiyahe sa bakuna at nakahanda na ang mga freezer sa mga paghahatiran nito.
Iginiit din ni Binay sa DOH na tiyakin ang kalidad ng bakuna mula sa panggagalingan para hindi maulit ang nangyari sa 7,500 doses ng AstraZeneca vaccines na kinailangang bawiin mula sa Bicol Region noong Marso dahil alanganin ang handling.
Bagamat nagamit pa rin ang bakuna, inihayag pa ni Binay na hindi dapat maulit ang ganitong alanganing sitwasyon lalo pa’t inaasahan na ang pagdagsa ng milyun-milyong doses ng bakuna sa mga susunod na linggo at buwan. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)