May paalala si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa 3 pinakamatutunog na kandidato sa pagka-Pangulo sa susunod na taon.
Ito ang inihayag ni dating Ambassador Henrietta Tita de Villa sa isinagawang prayer service na pinangunahan ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV.
Ayon kay de Villa, sinabi ng Kardinal kina Interior Secretary Mar Roxas, Vice President Jejomar Binay at Senadora Grace Poe na hindi dapat umabot sa personalan ang kanilang paghahangad na maging pinuno ng bansa.
Sinabi pa ni de Villa na batid aniya ni Tagle na magiging masalimuot na ang sitwasyon lalo na kapag dumako na sa sukdulan ang panahon ng kampaniya at papalapit na ang eleksyon.
Paglilinaw pa ni de Villa hindi naging paksa sa nasabing pulong ang pulitika bagkus napuno aniya ito ng panalangin para sa tatlong nabanggit upang liwanagan sa tunay nilang adhikain at iyon ay ang paglilingkod ng tapat sa bayan.
By Jaymark Dagala