Kapwa desidido ang magkapatid na sina Makati City Mayor Abby Binay at dating alkalde ng lungsod na si Jejomar Erwin “Junjun” Binay Jr. na sumabak sa mayoral race sa Makati City sa 2019 elections.
Ayon kay Mayor Abby, may basbas ng kanyang amang si dating Vice President Jejomar Binay ang muli niyang pagtakbo bilang alkalde ng Makati City.
Nilagdaan pa aniya ng kanilang ama ang kanyang certificate of nomination and acceptance (CONA) sa ilalim ng United Nationalist Alliance (UNA) bago ito umalis patungong Italy noong Setyembre 27.
Sinabi pa ni Mayor Abby, nagsimula ang di nila pagkakaunawaan ng kapatid matapos niyang matuklasan ang pagkakasangkot sa katiwalian ng ilang mga councilors na sumusuporta sa pagbabalik ni Junjun sa Makati City Hall.
Samantala, iginiit naman ni Junjun Binay na lumabas lamang ang isyu sa kurapsyon nitong maga nakaraang araw habang papalapit na ang paghahain ng certificate of candidacy (COC).
Binigyang diin pa ni Junjun na aatras lamang sa kandidatura kung mismong ang kanilang ama na ang tatakbo sa pagka-alkalde sa Makati City.