Nilinaw ni Food and Drug Administration Director-General Eric Domingo na lahat ng ginamit na COVID-19 test kit noong 2020 ay mayroong anim na buwang shelf-life.
Ito’y bilang tugon sa kuwestyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa pagbili ng Department Of Health (DOH) ng test kits na ma-e-expire sa loob ng anim na buwan.
Mababa ito kumpara sa kinakailangang 24 hanggang 36 months mula sa araw ng delivery.
Gayunman, inihayag ni Domingo na ang unang test kit na ginawa at available sa bansa ay dumating lamang noong Marso 2020.
Nangangahulugan anya ito na ang test kit para sa RT-PCR sa COVID-19 ay may bagong teknolohiya na isa ring dahilan kaya’t ang test kits noong isang taon ay malapit nang mag-expire.
Pinaliwanag din ng FDA official na hindi lamang sa DOH ito nangyari kundi sa lahat ng pribadong laboratories at RT-PCR laboratories.—sa panulat ni Drew Nacino