Binatikos ng grupong Bayan ang pagsasagawa ng panibagong negosasyon sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos para bumuo ng kasunduan na papalit sa Visiting Forces Agreement (VFA).
Ayon kay Bayan secretary general Renato Reyes, nagiging katawa-tawa aniya ang posisyon ng Pilipinas dahil sa pagpasok sa panibagong negosyasyon gayung hindi pa aniya ganap na napapawalang bisa ang VFA.
Sinabi ni Reyes, taliwas ang nabanggit na hakbang sa mga pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na kinakailangan na ng bansa na tumayo sa sariling mga paa.
Iginiit ni Reyes, hindi ang isang kasunduang militar na katulad ng VFA ang kailangan ng Pilipinas para mahinto ang pangangamkam ng China sa karagatan at mga islang bahagi ng teritoryo ng bansa.
Aniya, ang kinakailangan ng Pilipinas ay ang paggiit sa naipanalong kaso sa permanent court of arbitration, pagbuo ng malawak na alyansa sa mga bansang tutol din sa mga aktibidad ng China, at pagpapalakas sa kapasidad ng external defense.
Una nang inihayag ni Ambassador to the United States Jose “Babes” Romualdez na nakikipag-ugnayan na siya kay U.S. Ambassador Sung Kim para sa pagbuo ng isang military agreement na posibleng pumalit sa ipinatitigil na VFA.