Umaasa ang kampo ng dating Pangulong Noynoy Aquino na nakabatay sa ebidensya ang binuhay na usapin ng anomalya sa umano’y paggastos ng Disbursement Acceleration Program o DAP ng nakalipas na administrasyon.
Ayon kay Atty. Abigail Valte, dating Deputy Presidential Spokesperson ng dating Pangulong Aquino, sana ay hindi nakabatay sa haka-haka lamang o fake news ang gagawing imbestigasyon ng National Bureau of Investigation o NBI sa usapin base na rin sa kautusan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre.
Tiniyak ni Valte ang kahandaan ng dating Pangulo na harapin ang anumang kaso o imbestigasyon dahil batid nitong wala talagang anomalya sa DAP.
DOJ
Samantala, tiwala si Justice Secretary Vitaliano Aguirre na sapat ang batayan ng kasong isinampa inihain ni dating Manila Councilor Greco Belgica laban kina dating Pangulong Noynoy Aquino at mga dati nitong gabinete.
Kaugnay ito ng umano’y anomalya sa DAP.
Ayon kay Aguirre, nakita na niya ang mga reklamo at ebidensiyang inihain nina Belgica kabilang ang ruling ng Korte Suprema na nagdedeklarang unconstitutional ang ilang bahagi ng DAP.
Dagdag ni Aguirre, kinuha rin ng kampo ni Belgica ang tulong ng NBI sa pagkuha ng mga ebidensiya para mas mahigpit ang kasong ihahain ng mga ito sa Office of the Ombudsman.
By Krista de Dios