Hinamon ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na magtrabaho nang naaayon sa pinakamataas na pamantayan ng integridad, kakayahan at kahusayan upang matamo ang kumpiyansa ng publiko sa tax system ng Pilipinas.
Sa kanyang talumpati sa 2023 National Tax Campaign Kickoff ng BIR na ginanap sa Philippine International Convention Center sa Pasay City, nagpahayag ng kumpiyansa si PBBM na patuloy na makikiisa at makikipagtulungan ang mga Pinoy sa pagpapabuti ng sistema ng pangongolekta ng buwis.
Pinuri ni Pangulong Marcos ang mga nagawa ng BIR noong nakaraang taon, partikular ang mas pinaigting na implementasyon ng Run After Tax Evaders (RATE) na nagresulta sa pagsasampa ng labindalawang kaso sa Department of Justice (DOJ) na may kinalaman sa 5.1 billion pesos na tax liability.
May 38 ring kaso na kasalukuyang nakabinbin sa Court of Tax Appeals (CTA) dulot ng hindi pagbabayad ng buwis na tinatayang nagkakahalaga ng 5.32 billion pesos.
Dahil naman sa Oplan Kandado program ng BIR, sinabi ng Presidente na nakapag-remit aniya ang tax agency ng mahigit 550 million pesos sa kaban ng bayan.
Samantala, kamakailan ay nagsampa rin aniya ang ahensya ng pitumpu’t apat pang tax evasion cases sa DOJ laban sa ilang indibidwal at kompanya.