Isinubpoena ng House Justice Committee ang Bureau of Internal Revenue o BIR para isumite ang resulta ng imbestigasyon nito kaugnay sa tax records ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno noong nagsilbi itong kinatawan ng gobyerno sa Piatco case.
Kasunod na rin ito nang pahayag ni BIR Deputy Commissioner Arnel Guballa sa pagdinig ng komite na hindi pa nila uubrang maipalabas ang resulta ng imbestigasyon dahil wala pa itong approval ng Office of the President.
Magugunitang February 7 nang atasan ng panel ang BIR na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa tax records ni Sereno.
Binigyang diin ni Quezon City Representative Vincent Crisologo na walang iligal o labag sa batas sa paglalantad sa House hearing ng mga impormasyon hinggil sa tax records ng Punong Mahistrado.
Samantala, inisnab ng tatlong miyembro ng mahistrado ang pagpapatuloy ng impeachment hearing laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon sa Secretariat ng House Justice Committee, kabilang sa mga hindi dumalo sina Supreme Court Associate Justices Estela Perlas-Bernabe at Marvic Leonen at Muntinlupa RTC Branch 204 Presiding Judge Juanita Guerrero.
Ipinabatid ng Committee Secretariat na nakatanggap sila ng sulat mula kina Bernabe at Leonen na nagsasabing hindi sila makakadalo sa pagdinig dahil naitalaga silang vice chairpersons ng Committee on Computerization and Library ng SC matapos ang reorganization nito noong July 2014 o isang taon matapos ma-hire si IT Consultant Helen Macasaet.
Naka-leave naman si Guerrero kaya’t hindi ito nakadalo sa pagdinig.
Si Guerrero ay inutusan umano ni Sereno na huwag magpalabas ng arrest warrant laban kay Senador Leila de Lima kaugnay sa kinakaharap nitong drug cases.
(Ulat ni Jill Resontoc)