Inanunsyo ng Bureau of Internal Revenue o BIR na maglalabas sila ng bagong disenyo ng taxpayer identification number o tin card, kasabay ng pagbibigay babala sa publiko laban sa mga social media post na nag-aalok ng assistance para makakuha ng government id.
Ginawa ng ahensya ang paalala matapos makarating sa kanilang kaalaman na talamak ang bentahan ng mga pekeng tin cards sa social media ng mga fixer.
Sa advisory ng BIR, sinabi nitong hindi ibinebenta ang tin cards at mismong nakukuha lamang ito sa kanilang tanggapan.
Ikinukonsidera naman ng ahensya na iligal o peke ang tin cards na nakuha lamang mula sa isang indibidwal o fixers.
Payo ng BIR sa publiko, iwasang makipag-transaksyon sa mga unauthorized bir personnel, non-bir personnel o sa mga unofficial online sites upang hindi mabiktima ng mga manloloko o mapagsamantala.
Batay sa revenue memorandum order no. 2-2019, magsisilbi ring accountable form ang bagong tin card design na mayroong sequential serial number para sa control and accountability ng isang concerned BIR office at personnel.