Nanindigan ang BIR o Bureau of Internal Revenue na wala ng extension ang deadline para sa filing ng ITR o income tax returns ngayong araw.
Ayon sa BIR, ito’y dahil sa sobra-sobra nang palugit ang kanilang ibinigay lalo’t natapat pa ng araw ng linggo ang orihinal na deadline ng paghahain ng ITR.
Subalit nilinaw ng BIR na maaari pa rin namang maghain ng ITR ang mga hindi makahahabol sa deadline ngayong araw pero asahan na ang karampatang multa sa ilalim ng ipinatutupad na batas.
Nagsimula kaninang alas otso ng umaga ang filing ng ITR sa lahat ng tanggapan ng BIR sa buong bansa at nakatakda itong magtapos, ganap na ala-singko ngayong hapon.