Matapos mapiling official entry para sa Best Foreign Language Film category sa 2018 Academy Awards ay mapapasama naman ngayon ang pelikulang ‘Birdshot’ sa isa pang international film competition.
Isa ang pelikula ni Mikhail Red sa 9 na nominado para sa Best Asia Film award ng Australian Academy of Cinema and Television Arts (AACTA).
Ilan sa mga katunggali ng ‘Birdshot’ ay mga pelikula mula Japan, China, India at South Korea.
Pangungunahan ni Hollywood star Russell Crowe ang jury na sasala sa mga pelikula.
Nakatakdang ianunsyo ang mga mananalo sa gaganaping seremonya sa Sydney ngayong December 6.
Tampok ang aktor na si John Arcilla, ang pelikulang ‘Birdshot’ ay una nang nagwaging Best Picture sa Asian Future Film Competition sa 29th Tokyo International Film Festival.
Ito rin ang nagbukas ng Cinemalaya Filmfest ngayong taon.
Ipinalabas sa mga sinehan ang ‘Birdshot’ bilang bahagi ng katatapos lamang na Pista ng Pelikulang Pilipino.
Ang pelikula ay iikot sa istorya ng isang batang babaeng nanghuhuli sa boundary ng isang reservation forest at aksidenteng nabaril at napatay ang isang endangered Philippine eagle.
Ang paghahanap ng mga awtoridad sa salarin ay magbibigay daan naman sa mas nakakakilabot pang katotohanan.
—-