Hindi maituturing na disrespect sa Commission on Audit (COA) ang birong pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat itulak sa hagdanan ang auditor ng COA sa Ilocos Norte upang hindi na ito maging balakid sa pagpapalabas ng pondo para sa mga biktima ni Bagyong Ompong.
Paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, napakadali lamang intindihin ng kontekstong nais na iparating ng pangulo sa COA, at ito ay ang kanyang pagnanais na agad na maibigay ang mga tulong o emergency cash advances sa mga residenteng labis na hinagupit ng kalamidad.
Gusto lamang aniya ng chief executive na wag na munang masyadong pagtuunan ng pansin ang isang COA circular sa mga panahon na may sakuna dahil ito ang nagiging dahilan kung kayat bumabagal ang pagbibigay ayuda.
Batid aniya ng pangulo na hindi naman batas ang COA circular kaya’t mas nais nitong unahin muna ang pagkakaloob ng tulong sa mga biktima ng kalamidad bago asikasuhin ang mga hinihinging requirements ng ahensya.