Kinuwestiyon ng United Nationalist Alliance o UNA ang birth certificate ni Senadora Grace Poe.
Sinabi ng Secretary General ng UNA na si Atty. JV Bautista na duda siya kung dumaan ba sa tama at legal na proseso ang adoption o ang pag-ampon kay Poe.
Si Senadora Poe ay inampon ng mag-asawang Fernando Poe Jr. at Susan Roces matapos umano itong abandonahin sa Jaro Cathedral sa Iloilo.
Pero para kay Bautista, tila kuwestiyonable ang petsa ng kaarawan na nakasaad sa birth certificate ni Poe na September 3, 1968, dahil Disyembre raw nang ikasal sina FPJ at Roces, ibig sabihin aniya ay hindi pa kasal ang mga ito nang ampunin ang Senadora.
Kaya’t ang tanong tuloy ni Bautista, kuwalipikado ba sina FPJ at Roces na ampunin ang Senadora?
Una nang nanindigan si Poe na siya ay Pilipino matapos nitong i-renounce ang US citizenship noong 2010.
Batay sa Saligang Batas, maituturing na natural born Filipino ang isang tao kung ang mga magulang nito ay Pilipino rin.
Kaya lang, sinasabing hindi nakilala ni Poe ang kaniyang mga tunay na magulang.
Samantala, itinanggi rin ni Bautista na may kinalaman siya sa mga naunang pagkuwestiyon sa citizensip at residency ng Senadora.
Si Bautista ay kilalang kapartido ni Vice President Jejomar Binay na posibleng maging katunggali ni Poe sakaling magdesisyon itong tumakbo sa 2016 Presidential elections.
By Allan Francisco