Bumaba ang birth rate sa Pilipinas taliwas sa Projection ng Commission on Population and Development (POPCOM) na darami ang isisilang na sanggol dahil sa COVID-19 pandemic.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority, umabot lamang sa 1, 516,042 ang narehistro sa kanila noong isang taon.
Ito na ang pinaka-mababang birth rate sa nakalipas na 35 taon o simula noong 1986 kung saan nakapagtala lamang ng 1, 493, 995 births.
Sa preliminary report ng PSA, nakapagtala rin ng pinaka-mababang bilang ng ikinasal sa nakalipas na dalawang dekada, matapos umabot lamang 240,183 ang nagpakasal noong isang taon kumpara sa 431,972 noong 2019.
Ayon kay Undersecretary for Population and Development Juan Antonio Perez III, dahilan ng mababang birth rate ang kaunting bilang ng ikinakasal, mga babaeng ayaw munang magbuntis ngayong may pandemya at pagdami ng mga gumagamit ng modern family planning methods.
Malaki anya ang epekto ng COVID-19 pandemic sa desisyon ng mga mag-asawa at karamihan sa mga ito ay nagpasya munang i-delay ang pagkakaroon ng dagdag na anak dahil na rin sa lumalaking gastos sa ospital, bilihin at iba pa. —sa panulat ni Drew Nacino