Hindi pa makapagbigay ng komento ang World Health Organization (WHO) hinggil sa efficacy o bisa ng bakuna kontra COVID-19 na nilikha ng Chinese firm na Sinovac.
Ayon kay WHO Philippine Representative Dr. Rabindra Abeyasinghe, nagpapatuloy pa sa ngayon ang evaluation o pag-aaral ng regulation team ng WHO sa naturang anti-COVID-19 vaccine.
Dahil aniya rito, hindi pa nila maaaring ipalabas ang anumang impormasyong nakuha nila mula sa Sinovac.
Dagdga ni Abeyasinghe, posibleng may ilang impormasyon ding ibinahagi ang Sinovac sa Food and Drug Administration (FDA) dahilan kaya nagpasiya ang ahensiya na limitahan lamang ang paggamit ng nabanggit na bakuna kontra COVID-19.
Una rito, inaprubahan na ng FDA ang emergency use authorization (EUA) ng Sinovac bagama’t hindi nila inirerekomenda ang paggamit ng naturang bakuna sa mga health workers dahil 50.4% efficacy rate nito sa nabanggit na sektor.
Habang maaari naman anilang gamitin ang bakuna ng Sinovac sa mga malulusog na indibiduwal na may edad 18 hanggang 59 na taong gulang kung saan nasa 65.3 hanggang 91% ang efficacy rate nito.