Nilinaw ng Infectious Disease Expert na si Dr. Edsel Salvaña, miyembro ng D.O.H. – Technical Advisory Group na hindi humihina ang bisa ng COVID-19 vaccine, anuman ang brand nito.
Taliwas ito sa mga naglalabasang pag-aaral sa ibang bansa na nawawala umano ang bisa ng ilang brand ng bakuna matapos ang anim na buwan o higit pa kaya’t kailangan ng booster shots.
Ayon kay Salvaña, sa datos ng Food and Drug Administration, wala namang nagpapakita na nawawalan ng bisa ang mga bakuna sa COVID-19 kapag nagtagal.
Noon pa naman din anya nilinaw ni Vaccine Panel Head, Dr. Nina Gloriani na ang tinutukoy nitong bumababa ay ang lebel ng antibodies na hindi naman konektado sa proteksyong naibibigay ng bakuna.
Iginiit ni Salvaña na patuloy na na-po-protektahan ng vaccine ang mga bakunado laban sa pagkakaroon ng severe symptoms ng COVID-19 at sa pagkamatay mula rito.
Bagaman aminado si Salvaña na may malaking benepisyo ang booster shot sa matatanda, may comorbidity, healthcare workers, hindi pa naman ito napatutunayan ng siyensya.—sa panulat ni Drew Nacino