Patay ang bise alkalde ng Trece Martires City, Cavite matapos tambangan, kahapon.
Kinilala ang biktima na si Vice Mayor Alex Lubigan na pinagbabaril sa tapat ng Korean hospital sa Barangay Luciano, dakong 3:00 ng hapon.
Ayon kay CALABARZON Police Regional Director, Chief Supt. Edward Carranza, patay din ang driver ni Lubigan na kinilalang si Romulo Guillemer habang sugatan ang kasama nilang si Romeo Edrinal.
Binabaybay anya ng bise alkalde ang Trece Martires- Indang Road lulan ng Toyota Hilux na may plakang YV-4077 nang pagbabarilin ng mga salarin na sakay naman ng hindi naplakahang itim na mitsubishi montero.
Inaalam na kung ano ang motibo sa pamamaslang at sino ang posibleng nasa likod nito.
Pinaslang si Lubigan ilang araw lamang matapos patayin sina Mayor Antonio Halili ng Tanauan City, Batangas at Mayor Ferdinand Bote ng General Tinio, Nueva Ecija.
Si Lubigan ang ikalimang bise alkaldeng pinatay simula nang maluklok sa Malakanyang si Pangulong Rodrigo Duterte.
Palasyo, kinondena ang pananambang
Kinondena ng Palasyo ang pagpatay kay Trece Martires City, Cavite Vice Mayor Alexander Lubigan.
Ayon kay Presidential spokesman Harry Roque, ipinapaabot nila ang pakikiramay sa naulilang pamilya ni Lubigan.
Nanawagan naman si Roque sa Philippine National Police na magsagawa ng patas at malalimang imbestigasyon sa krimen.
Samantala, umapela ng pagkakaisa ang tagapagsalita ng palasyo mula sa publiko upang wakasan ang mga nakababahalang insidente ng pagpatay sa mga pulitiko.
Pinatay si Lubigan ilang araw lamang matapos ang magkasundo na pagpaslang kina Mayor Antonio Halili ng Tanauan City, Batangas at Ferdinand Bote ng General Tinio, Nueva Ecija.