Kasabay ng pagsisimula ng Semana Santa, pina-alalahanan ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang mga mananampalataya na iwasang tumanggap ng pera mula sa mga kumakandidato sa 2022 elections.
Sa kanyang Palm Sunday mass sa St. Joseph Cathedral, sa Tagbilaran City, Bohol, binigyang-diin ni Uy na ang mahal na araw ay magandang panahon upang tuparin ang pangako sa huwag tumanggap ng “gracia” mula sa mga kandidato.
Kung hindi anya babaguhin ng mga mamamayan ang kinagawian tulad ng pagtangkilik sa vote-buying tuwing halalan, hindi magbabago ang sistema na pinag-uugatan ng korapsyon.
Ayon kay Bishop Uy, sa tuwing nagmamadali tayong manghusga o bumoto nang hindi nananalangin at nagninilay ay mistula na rin tayong mga hudyo na pinili ang magnanakaw na si Barabbas at ipinaubaya si Kristo sa krus.
Iginiit ng obispo na tuwing ipinagpapalit natin ang ating prinsipyo o boto para sa pera ngayong panahon ng eleksyon ay wala tayong ipinagkaiba kay Hudas Iskaryote na ipinagkunulo si Hesus at naging dahilan ng pagkakapako nito sa krus.
Samantala, hinimok naman ni Uy ang mga mananampalataya na magdasal para sa kaliwanagan ng pag-iisip at magnilay bago pumili ng mga susunod na leader ng bansa.